79-anyos lola, alagang aso patay sa sunog sa Tondo
MANILA, Philippines—Patay ang isang 79-anyos na lola at kanyang alagang aso, habang sugatan naman ang anak at manugang nito nang sumiklab ang sunog sa Smokey mountain, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni SFO3 Sergio Pangan, ng Arson Investigation Division-Manila Fire Bureau ang nasawi na si Juanita Vitco na residente ng isa sa mga barung-barong na nasunog sa mataas na bahagi ng Smokey Mountains, sakop ng Brgy. 128, Zone 10, Balut, Tondo, Manila.
Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang mga sugatang sina Erlinda Vitco, 54 at Josephine Akbayan, 44, kasama sa bahay ng nasawi, na pawang nagtamo ng second degree burns.
Sa inisyal na ulat, nasa 30 hanggang 40 barung-barong ang naabo sa sunog na sumiklab dakong alas-3:52 ng madaling araw, umakyat sa second alarm ang sunog na naideklarang fire-out alas-4:05.
Pansamantalang nanunuluyan sa covered court sa nasabing lugar ang mga nasunugan na binubuo ng nasa 150 indibiduwal.
Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog.
Ani SFO3 Pangan:” Natutulog ang mga biktima nung nagkasunog, ‘yung area kasi mataas na pabundok ‘yung kinatatayuan ng mga bahay nila kaya nahirapan na nung hinihila ‘yung matanda, ‘di na kinaya dahil sa apoy.”
Kasamang natupok ang alagang aso ng pamilya Vitco.
Samantala, isang sunog din ang sumiklab sa Brgy. Bayanan sa Muntinlupa City kung saan isa ang iniulat na nasugatan.
Second degree burns ang tinamo sa kanang braso at first degree burns naman sa kanang dibdib ni Wenefreda Ofril Palicte, 23, ng Alcaraz Compound, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City.
Sa ulat, dakong alas-4:40 kamakalawa nang magsimula ang apoy sa bahay ng isang Lousia Palicte, na kumalat sa tatlong magkakatabing bahay, sa nasabing compound.
Idineklarang fire under control alas- 5:20 ng hapon.
Tatlong pamilya na binubuo ng sampung indibiduwal ang naapektuhan, habang tinatayang P125,000 na halaga ng ari-arian ang napinsala.
Inaalam pa rin ang sanhi ng sunog.
- Latest