Seguridad ng media, sibilyan sa Valenzuela tiniyak ng PNP
MANILA, Philippines — Tiniyak ng pamunuan ng Valenzuela City Police na sapat ang kanilang seguridad sa media na nagko- cover at mga residente ng lungsod laban sa mga posibleng pagbabanta.
Sa ginanap na pagpupulong nitong Biyernes, kasama ang mga miyembro ng CAMANAVA Press Corp, sinabi ni Valenzuela City Police chief Col. Salvador Destura, Jr. na handa silang magbigay ng personal security sa miyembro ng media na may mga mabibigat na pagbabanta bunsod na rin ng trabaho.
Ayon kay Destura, layon nilang mapangalagaan at hindi na mangyari pa sa ibang mamamahayag ang sinapit ng broadcaster na si Percy Lapid.
Ani Destura, bagamat may mga puna o komentaryo ang mga miyembro ng media sa mga pulis o government officials, hindi ito sapat na dahilan upang pumatay ng tao.
Gayunman sinabi ni Destura na sasailalim pa rin sa beripikasyon ang mga banta upang maiwasan ang pang-aabuso.
Kasabay nito, sinabi ni Destura na maging ang mga residente na may pagbabanta ay maaaring makipag-ugnayan sa kanila upang agad na masolusyunan.
Sa katunayan, dinoble na rin ang mga police visiblity sa lungsod upang may kapanatagan ang publiko anumang oras.
Bukod kay Destura, dumalo rin sa pulong sina PLTCOL Aldrin O Thompson, ACOPA; PMAJ Gina Pariñas, Chief, Station Community Affairs Section; PLT Jhonn Florence Alacon, Chief, PIO, VCPS; PLT Robin Santos, Chief, SIU & WSS at PMAJ Randy Llanderal, commander, substation-2 (Brgy. Gen. T. de Leon).
- Latest