7 nasawi, 1 hinahanap pa sa gumuhong tulay sa Dasmariñas
MANILA, Philippines — Magdamag ang naging retrieval operation ng Philippine Coast Guard upang matagpuaan ang isa pang binatilyong nawawala mula sa gumuhong tulay sa Dasmarinas City, Cavite noong Martes ng gabi.
Una nang nakakuha ng bangkay ng isang lalaki noong Miyerkules ng madaling araw. Habang alas-7 naman ng gabi Miyerkules naiahon ang anim pang bangkay na nasawi rin sa pagguho ng tulay.
Isa na lang ang hinahanap sa naturang gumuhong tulay sa Sitio Talisayan, Sampaloc IV.
Pahirapan ang paghahanap dahil may kalaliman ang ilog at marami ring bakal at semento ang bumagsak kaya naman ang tantiya ng retrieval team, mahihirapan sila dahil posibleng nakadagan ang mga ito sa katawan ng biktima.
Iniisa isa naman nang alisin ng backhoe ang mga bloke ng semento at malalaking bakal upang maclear ang area at matagpuaan ang katawan ng biktima.
Matagal na raw umanong ipinagbabawal na pumunta sa tulay ayon sa lokal na pamahalaan ng Dasmariñas ngunit dahil daw maganda ang lugar, nahihikayat ang mga kabataang mamalagi rito.
“Dahil nga ito ay iniinspect na at tuluyan na sanang aayusin so ang baranggay natin lagi silang pinapaalis. Nagkaroon din yung barangay ng parang notice na bawal na talagang mag-stay doon pero tinatanggal naman nila” ani Dasmarinas Cavite City Mayor Jenny Barzaga sa ulat ng Teleradyo, Huwebes.
Ayon sa mga nakaligtas sa insidente, grupo ng kabataang edad 13 hanggang 17 ang nasa tulay bago ito gumuho.
Dalawa sa limang nakaligtas ang nasa ospital pa at patuloy na ginagamot. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest