16 katao sa Tondo na-food poison sa tindang chicken mami; tindera nadali rin!
MANILA, Philippines — Food poisoning ang hinihinalang dahilan kung bakit nalason ang 16 katao sa tindang chicken mami ng kanilang kapitbahay sa Tondo, Maynila.
Sa CCTV na kuha ng barangay, makikitang biglang nagkagulo ang mga tao sa Callejon-E Street, Gagalangin, Tondo dahil sa biglang pamimilipit sa sakit ng tiyan at pagkahilo ng dalawang bata.
Isinugod sa Tondo General Hospital, Jose Reyes Memorial Medical Center, at Chinese General Hospital ang 16 na biktima dahil sa pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka.
Kasama rin sa isinugod sa ospital ang nagbenta mismo ng mami at ang kanyang asawa.
Nanlumo naman ang ina ng nagbebenta ng mami dahil hindi niya raw lubos akalain na mangyayari ito dahil halos 20 taon na rin kasi nilang negosyo ang pagbebenta ng mami.
“Ayon sa kwento ng anak ko, wala naman po siyang halo dahil almost 20 years na po siyang nagtitinda niyan, kung sabihin natin sinadya, sino po ba ang sasadya kung pati ang asawa niya, kung pati mga apo ko rin,” ani Aner Dela Vega, ina ng nagtitinda ng mami sa ulat ng Teleradyo, Huwebes.
Handa naman daw harapin ng mga nagluto ng tindang mami ang anumang kaso o reklamo ng mga kapitbahay na na-food poison.
Nakalabas na ng ospital ang ibang nadali ng food poisoning habang nagpapagaling pa ang iba.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang nangyaring insidente. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest