‘Hulicam’: Lalaki huli sa paninira ng CCTV nang mahagip ng CCTV
MANILA, Philippines — Kalaboso ang bagsak ng isang 19-anyos na binatilyo matapos pagtripan at sirain ang CCTV camera sa Kaliraya St. Brgy. Tatalon Quezon, City nitong Lunes ng madaling araw.
Nag-iinuman diumano ang suspek at kanyang mga kaibigan nang biglang tumayo ang at lumapit sa kinalalagyan ng naturang security camera.
Walang anu-ano’y umalog-alog ang kuha nito dahil sinisira na pala ng suspek.
Makikita sa mismong kuha ng CCTV ang mukha ng suspek bago ito tuluyang mag-offline. Ang insidenteng nakuha mismo sa CCTV footage ng sinirang unit ang naging susi upang madakip kaagad ang suspek.
“It so happen lang nung nakita nila yung CCTV footage is kilala nung isa dun sa tatlo yung suspek kaya nag-follow up nahuli” ani PSSG Dhonnie Peralta Case Investigator QCPD PS11 sa ulat ng Teleradyo, Martes.
Hindi naman makapaniwala ang suspek na makukulong siya sa kanyang ginawa at sising-sisi.
Paliwanag niya, nagawa niya lang ang krimen dahil sa udyok ng barkada at kalasingan.
“Sa problema ng kasamahan ko sinamahan ko siya kasi gusto niyang magwala,” wika ng suspek.
"May nakaharap na CCTV, ayun po napagdiskitahan ko po, sinira ko po."
Babaguhin naman ng pamunuan ng barangay ang mga posisyon ng CCTV upang hindi na maulit ang ganitong insidente ng pagsira sa mga unit.
Malicious mischief ang kakaharaping kaso ng suspek. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest