Campaign materials,napakinabangan: ni-recycle sa Mandaluyong
MANILA, Philippines — Tinipon at nire-purpose ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ang mga election campaign materials na ginamit ng Team Performance political party sa nakalipas na halalan at ginawang mga functional bags, aprons, emergency sleeping bags, at eco bricks, sa halip na itapon sa basurahan.
Ang naturang ideya sa pag-recycle ng election campaign materials ay mula kay City Councilor Benjie Abalos, na siyang chairman ng Committee on Environment.
Layunin din nitong bigyan ng karagdagang livelihood project ang mga residente ng lungsod.
Nabatid na sa suporta ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ay kaagad na sinimulan ng City Environmental Management Department (CEMD) ang pangongolekta ng election campaign materials sa buong lungsod matapos ang araw ng halalan.
Ayon kay Mandaluyong Manpower and Technical and Vocational Training Center Head Midge Tampinco, ang mga nakolektang materyales ay nilinis at inayos batay sa kondisyon ng mga ito. Ang mga maayos at malinis pa ay ginagamit sa paggawa ng main parts ng bag na gagawin ng mga bag maker.Ipinaliwanag niya na ang functional bags ay maaaring anumang uri ng bag para sa pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng eco bags, lunch box bags, o shoulder bags.
Aniya, maaaring gamitin ang printed side o ang likod o puting bahagi ng election campaign material sa paggawa ng mga ito.
- Latest