Quezon City University libre tuition fee
May laptop na, may allowance pa
MANILA, Philippines — Hindi na magiging problema ang tuition fee ng mga graduating sa senior high school at papasok sa kolehiyo dahil libre ang tuition fee sa Quezon City University (QCU).
Ayon kay Theresita V. Atienza, Pangulo ng QCU, dapat na samantalahin ang libreng college education na ino-offer ng QCU sa mga kabataan ng lungsod matapos na isinama ng Commission on Higher Education (CHED) ang unibersidad at mabigyan ng ‘Institutional Recognition’ noong nakaraang taon, para makapagbigay ng libreng ‘college education’ gaya ng iba pang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.
Ang programang ito ng CHED ay hango at bunga ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act, o UniFAST, isang komprehensibong batas na Republic Act 106871, na naglalaan ng pondo at mekanismo upang makapagbigay ng libreng college education sa mga kabataang nagnanais magkolehiyo ngunit walang sapat na kakayahang tustusan ang kanilang pag-aaral, partikular na ang mga kapus-palad
Sa ngayon 10,425 college students na ang nakapag-enroll sa ilalim ng nasabing programa ng CHED para sa academic year na 2021-2022, at kumukuha ng iba’t ibang kurso gaya ng Bachelor of Science in Entrepreneurship, Information Technology, Electronics Engineering at Accountancy.
Bukod kasi sa libreng tuition fee, nagbibigay din ang QCU ng mga “top of the line’ laptop, ayon kay Atienza. May kasama pa itong ‘pocket Wi-fi’ para sa bawat estudyante.
Ang mga “gadgets” ani Atienza ay galing sa inisiyatiba ni Mayor Joy Belmonte na siya ring nagpursige upang mapapayag ang CHED na maisama ang QCU sa programa nitong UniFAST.
- Latest