Toll rates para sa Skyway 3, inilabas na ng TRB
MANILA, Philippines — Nag-isyu na ng aprubadong toll rates ang Toll Regulatory Board (TRB) na sisingilin sa mga motorista na gagamit ng Skyway Stage 3 elevated expressway.
Kasunod ito ng anunsiyo ng San Miguel Corporation (SMC) na simula sa Hulyo 12 ay magsisimula na silang maningil ng toll fee para sa Skyway 3.
Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpus, alinsunod sa aprubadong toll rates, maaaring maningil ang SMC Infrastructure ng P264 mula Buendia hanggang Balintawak; P105 naman mula sa Buendia hanggang Sta. Mesa; P30 mula Sta. Mesa hanggang Ramon Magsaysay at P129 mula Ramon Magsaysay hanggang Balintawak.
Matatandaang katapusan pa ng Disyembre, 2020 nang buksan ng SMC ang Skyway 3 sa mga motorista ngunit libre muna itong ipinapagamit sa ngayon.
Sinabi naman na ng SMC na ang sisingilin nilang toll fee ay gagamitin nila para sa episyenteng operasyon at maintenance ng elevated expressway.
Ang naturang 18-kilometrong Skyway 3 project, na may layuning paluwagin ang daloy ng trapiko sa EDSA, ang siyang nagdudugtong sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).
Sa tulong ng proyekto, nabawasan ang travel time mula Alabang hanggang Balintawak ng hanggang 30 minuto na lamang mula sa dating tatlong oras.
- Latest