Supplier ng party drugs, timbog ng PDEA at QCPD
MANILA, Philippines — Nadakip nang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Special Enforcement Service (SES) at ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10 ang isang lalaking sinasabing supplier umano ng party drugs sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang suspek na si Jhun Cabaya, alyas SkyHigh, 33, at residente ng Brgy. Mangahan, Pasig City.
Si Cabaya ay hinihinalang supplier ng mga party drugs sa mga lungsod ng Quezon at Pasig.
Nabatid na ang suspek ay naaresto dakong alas-5:20 ng hapon kamakalawa sa isang buy-bust operation sa Mother Ignacia Ave., Brgy South Triangle, Quezon City.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t kaagad na nagkasa ng buy-bust operation na nagresulta sa agaran nitong pag-aresto.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang assorted party drugs; 23 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P39,100; 25 flyhigh capsules na may halagang P42,500; 300ml liquid ecstasy na may halagang P90,000; 1 unit ng Asus cellular phone na ginagamit sa mga transaksyon at P171,600 na buy-bust money.
- Latest