Nigerian todas sa P13 milyong drug bust
MANILA, Philippines — Patay ang isang Nigerian national na sinasabing miyembro ng West African Syndicate (WADS) nang mang-agaw ng baril ng pulis na umaktong poseur buyer sa isang buy-bust operation na isinagawa sa loob ng hotel sa Brgy. Bagong Ilog, Pasig City kamakalawa ng hapon.
Ang napatay na suspek ay nakilalang si Emmanuel Christopher Chukwuma, residente ng Apt. 2, Plaridel 2 Subd., 2nd St., Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng isang hotel na matatagpuan sa Escarpment Road, sa Brgy. Bagong Ilog.
Isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Group-Special Operations Unit (PDEG-SOU 8), RSOG-NCRPO, AKG at Pasig City Police ang buy-bust sa loob ng naturang hotel nang makumpirma ang ilegal na aktibidad ng dayuhan.
Ayon kay Pasig City Police chief, P/Col. Moises Villaceran Jr., nakahalata umano ang dayuhan na pulis ang poseur buyer kaya’t inagaw ang dala nitong service firearm na .9mm pistola. Nakita naman ng back-up personnel ang pangyayari kaya’t dumipensa ito at agad na binaril ang suspek na kanyang ikinabulagta.
Narekober mula sa napatay na suspek ang 2-plastic bag na may lamang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13,600,000 at dalawng pirasong genuine na P1,000 pero bills, na nakapaibabaw sa 10 bundles ng boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Isa umano sa local contacts ng suspek ay isang Kingsley Iwumune na naaresto noong Nob. 5, 2020 sa Gatchalian Ave., Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas City at Gabriel Onyechefula, isa ring Nigerian national na napatay ng mga awtoridad sa buy-bust operation noong Dis. 31, 2020 sa Brgy. Jefmin, Concepcion, Tarlac. — Doris Franche
- Latest