Higit P150 milyong shabu nasabat sa ‘big time’ courier
MANILA, Philippines — Mahigit sa P150 milyon ang halaga ng shabu na nasamsam ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group (RSOG) at mga operatiba ng Quezon City Police nang sundan ang ibiniyaheng ilegal na droga ng bigtime ‘courier’ hanggang sa Brgy. Subabasbas, Lapu-lapu City, kamakalawa.
Sa ulat mula sa tanggapan ni NCRPO chief, P/Major General Debold Sinas, ikinasa ang ‘Coplan Totong Toldo’ matapos matanggap sa impormante ang madalas na pagbibiyahe ng isang Gilbert F. Lumanog ng ilegal na droga na isinusuplay sa Cebu City na hinahango sa Quezon City.
Oktubre 12, 2020 nang magtungo sa Cebu City ang ilang team ng NCRPO-RSOG at QCPD kung saan nagkaroon ng coordination sa lokal na pulisya habang nagsasagawa ng case build-up, surveillance, at monitoring at pagkalap ng impormasyon.
Oktubre 14 nang mamataan na ang target na Toyota Vios at nasaksihan ng mga operatiba ang ilang pakikipagkita ng sakay nito sa ilang tao na nag-aabot ng paper bags, plastic at iba pang container na kaduda-duda.
Naisagawa ang buy-bust operation laban sa suspek at nasamsam sa kaniya ang nasa 22.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng higit sa P150 milyon.
- Latest