Ostrich na ‘naggala’ sa loob ng subdibisyon, namatay dahil sa stress
MANILA, Philippines — Dahil sa stress, kaya nasawi ang isa sa dalawang ostrich na nag-viral sa social media kamakailan matapos na maggala sa loob ng isang subdibisyon sa Quezon City.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, ang impormasyong ito ay ipinaabot sa kanila ng may-ari ng ostrich na si Jonathan Cruz.
Sinabi ni Antiporda na batay sa pahayag ni Cruz, stress ang ikinamatay ng ostrich dahil sa mga humabol dito.
Humihingi naman na aniya sila ng ebidensiya na namatay nga ang ostrich.
Hindi pa rin naman aniya malinaw sa kanila kung paano nakarating sa Mapayapa Village III sa Diliman, Quezon City ang ostrich, gayung ang may-ari Nito ay taga- Balingasa, Quezon City.
Aalamin din aniya ng DENR kung paano nakarating ng Quezon City ang ostrich, gayung ang permit nito ay mula sa Misamis at nakatakda sanang ilipat sa Nueva Ecija.
Kaugnay nito, nabatid na ang isa pang ostrich ay itinurn-over na ni Cruz at dinala na sa DENR-Biodiversity Management Bureau Wildlife Rescue Center noong Biyernes.
Matatandaang nag-viral sa social media ang naturang dalawang ostrich matapos na makuhanan ng video na nagpapagala-gala sa loob ng isang subdibisyon, sa unang araw ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila noong Agosto 4.
- Latest