‘I-treat ninyo kaming partner, huwag kostumer’
Marikina Sa DOH
MARIKINA, Philippines — Umaapila si Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro sa pamunuan ng Department of Health (DOH) na i-treat silang partner at hindi kostumer sa kanilang ginagawang pamamaraan para agad malaman kung positive o negative sa COVID-19 ang isang pasyente.
Ginawa ni Mayor Teodoro ang apila dahil hanggang ngayon ay ayaw pang bigyan ng ‘go signal’ ng DOH ang P3.8 million molecular laboratory na ginawa ng mga dalubhasa sa Marikina City sa tulong at gabay ng University of the Philippines National Institutes of Health.
Ayon kay Mayor Teodoro, ilang araw ng naka-set up at nakatengga ang ginawa nilang testing center sa COVID-19, pero hindi pa magamit dahil wala pang permit mula sa DOH, World Health Organization at Research Institute for Tropical Medicine.
“Ang feeling ko we’re treated as an applicant for a license to operate. Sabi ko sa kanila they should not treat us as an applicant, kung di partner sana na local government kasi crisis situation ito, public health emergency,” ani Teodoro.
Anang alkalde, kailangan munang bigyan ng accreditation DOH bago sila makapagsimula ng COVID-19 testing sa mga persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs)
“Ang mungkahi po namin is tulungan, bigyan ng technical assistance itong laboratory sa Marikina para magamit. Sa ngayon po talagang kailangan natin ng testing center dahil available na po ang testing kits dito,” pahayag pa ni Mayor Teodoro.
Sa ngayon, anang alkalde, ang nangyayari ang mga PUIs at PUMs ay namamatay na pero hindi pa nate-test kaya mahalaga ang testing para may access ng ordinaryong Pilipino.
- Latest