Ban sa single-use plastic sa Quezon City, simula na sa Hulyo
QUEZON CITY, Philippines — Binigyan na lamang hanggang katapusan ng Hunyo ang mga hotel, fastfood chain at restaurant owners at kahalintulad na establisimiento para makagamit ng single plastic sa Quezon City.
Ito ay makaraang aprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang rekomendasyon ng Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD) na sa halip ay Feb. 15, 2020 ang epektibo ng implementasyon ng Ordinance No. SP-2876 na nagbabawal sa paggamit ng single plastic ay sisimulan na lamang sa buwan ng Hulyo ng taong ito.
Giit ng EPWMD na dapat pagbigyan ang mga nakausap na mga stakeholders sa hiling na ma-extend ang implementasyon ng ordinansa sa QC upang bigyang pagkakataon ang mga itong mapaghandaan ang pagtupad sa ordinansa.
Una nang nakipagpulong ang EPWMD sa pagitan ng stakeholders kabilang na ang restaurants, fastfood chains at hotel owners sa lungsod upang maipairal sa kanilang establisimiento ang naturang kautusan.
Ayon sa mga stakeholders, suportado naman sila na tupadin ang ordinansa basta’t bigyan lamang sila ng sapat na panahon para sa kapakanan ng mga customer .
“We understand the situation and concerns of the establishments so we will give them ample time to comply, after that, it will be all systems go for the implementation of the Ordinance,” pahayag ni Belmonte.
Kasama sa ban ang paggamit ng throw-away plates, spoons, forks, cups at iba pang plastic at paper disposables.
Nakikipag-ugnayan naman ang lokal na pamahalaan sa Philippine Alliance for Recycling and Materials Sustainability (PARMS) para makabuo ng recovery at recycling mechanisms para sa residual plastics at disposable materials na single-use wastes na hindi covered ng ordinansa.
- Latest