Bangkay ng Chinese national lumutang sa Manila Bay
MANILA, Philippines — Isang bangkay ng Chinese national ang natagpuang lumulutang sa Manila Bay, bahagi ng Baywalk, sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala sa pamamagitan ng kaniyang passport ang biktimang si Suet Ming Ellis Chan, 59-anyos at nagmula sa Hong Kong.
Sa ulat ni P/Executive Master Sergeant Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, dakong-alas 6:20 ng umaga nang iahon sa dagat ang bangkay.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakita pa ng ilang vendor na buhay pa ang nasabing banyaga na nakaupo sa mga bato sa tapat ng isang cafe dalong ala-1:00 ng madaling araw.
Kapuna-puna din umano sa mukha nito na problemado at nang kausapin ng mga vendor ay nagsabi na gusto na niyang makauwi sa Hong Kong subalit naubusan na siya ng pera para ipambili ng plane ticket.
Hindi rin umano siya makakontak sa kanyang mga kamag-anak dahil nanakawan siya ng cellphone.
Posibleng naeskoba umano ang dayuhan dahil nakikita ding natutulog ito sa bangketa.
Narekober pa ang backpack ng biktima kung saan natagpuan ang dalawang passport.
Hindi pa tukoy kung nagpakamatay ang nasabing biktima kaya patuloy pang aalamin kung may naganap na foul play.
- Latest