Parak, 2 kasabwat timbog sa kinarnap na motor
MANILA, Philippines — Isang pasaway na pulis at dalawa pa na itinuturong kasabwat nito ang timbog sa mga awtoridad dahil umano sa pagnanakaw ng motorsiklo sa isinagawang ‘entrapment operation’ sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Ronnie Montejo, ang suspek na si Police Corporal Michael dela Cruz, 27, residente ng Bagong Silang, Caloocan City at nakatalaga sa Novaliches Police Station (PS 4).
Kasamang nadakip ang mga sinasabing kasabwat ng pulis na sina Allan Hermosa, 37, at Carlito Felicitas, 32 ng Malaria, pawang mga taga-Caloocan City.
Ang mga suspek ay positibong kinilala ng biktimang si John Ernie Abelardo, 27, ng Binangonan Rizal.
Ayon sa report, humingi ng police assistance ang biktimang si Abelardo nang makita niya ang mga spare parts ng kanyang na motor naka-post sa social media sa site ni Hermosa at ibinebenta.
Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Novaliches Police na pinamumunuan ng PLt. Col. Hector Amancia at mismong si Abelardo ang tumayong buyer.
Ang transaksiyon ay isinagawa sa harap ng isang kilalang fastfood chain sa Quirino Highway corner Regalado St., Brgy. Greater Lagro, bandang alas-9:00 ng gabi at nadakip ang mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang spare parts ng 2005 model, asul na Suzuki Shogun motorcycle (No. XI3656).
Nabatid na ang motorsiklo ni Abelardo ay ninakaw habang nakaparada sa isang supermarket sa Gen. Luis St., Brgy. Nova Proper noon pang April 13, 2019.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Novaliches Police Station 4 habang inihahanda ang kasong Carnapping (RA 10883) at paglabag sa PD 1612 o Anti-Fencing Law.
- Latest