Ex-CAAP officer nagpa-gas gamit ang P65,000 pondo ng bayan, pero multa... P250 lang
MANILA, Philippines — Pinagbabayad ng P250 ang isang dating opisyales ng Civil Aviation Authority of the Philippines matapos kargahan ng P65,000 halaga ng gasolina ang sariling sasakyan noong siya'y nanunungkulan pa.
Ang desisyon ay iniakda ni Sandiganbayan Fourth Division chairperson Alex Quiroz, na may pagsang-ayon nina Associate Justice Bayani Jacinto at Ronald Moreno.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi na pinagbabayad ng Sandiganbayan si Abner Bondoc, dating chief finance officer ng CAAP, ng katumbas na halaga ng kanyang gastusin sa gas, alinsunod sa isang plea bargaining agreement.
Pinaratangan siyang nagdulot ng "undue injury" sa pamahalaan matapos mapag-alamang hindi saklaw ng "certification for gas allocation" ang kanyang Nissan Vanette.
Umamin si Bondoc sa kanyang kabiguang magbigay ng "accounts" matapos gamitin ang pera ng kanilang ahensya na magpagasolina.
Pumayag si Ombudsman Samuel Martires na pababain ang parusa ni Bondoc matapos niyang umamin sa nagawang kasalanan (plea bargain).
"[H]inahayaan ang mga partido na pumasok sa plea bargaining habang nasa arraignment pa. Dahil dito, ang mga mosyon ng akusado sa pag-amin para sa mas mababang parusa ay iginagawad," sabi ng korte sa desisyong pinetsyahang ika-13 ng Setyembre, ngunit ngayon lang isinapubliko.
Isang count ng graft ang dating iniharap kay Bondoc noong si Conchia Carpio-Morales pa ang ombudsman, na nangangahulugan ng parusang hindi bababa sa anim na taon.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang krimeng "failure of accountable office to render accounts" ay pinapatawan ng parusang prision correccional at P200 hanggang P6,000 multa. — James Relativo
- Latest