300 katao nagrali vs karahasan, terorismo
MANILA, Philippines — Nagtipon-tipon ang mahigit sa 300 katao karamihan ay mga kabataan para sa isang pro-government rally kahapon sa Parañaque City.
Dakong alas-7:00 ng umaga nang simulan ang rali sa kahabaan ng Service Road, Baclaran sa nasabing lungsod.
Layon ng mga raliyista na suportahan ang kapayapaan at development building initiative ng kasalukuyang administrasyong Duterte sa pamamagitan ng pagkondena sa lahat ng uri ng karahasan,terorismo at paninikil na sagabal sa katahimikan at kaunlaran ng mga komunidad.
Nabatid na ipinanawagan ng mga ito ang pag-aresto kay CPP NPA NDF Joma Sison na umano’y lider ng ‘teroristang’ grupo ng New Peoples Army (NPA).
Nanawagan din ang grupo ng mga kabataan na huwag magpalinlang sa grupong komunistang NPA at iwasan ang mga taong humihikayat para sumama sa kanilang kilusan.
Iginiit ng grupo, na isa ang NPA sa pangunahing human rights violator kung saan sinisira ang kaisipan ng mga kabataan upang mag-aklas laban sa gobyerno o pamahalaan.
Anila, sa halip na tumulong sa kanilang pamilya ay tuluyan na umanong nasira ang kinabukasan ng mga kabataan na sumama sa NPA.
Target ng grupo na maipaabot sa pamahalaan ang kanilang panawagan upang tulungan silang maiwasan ang patuloy na recruitment sa mga kabataang estudyante na sumama sa grupong NPA.
Karamihan umano sa mga nabiktima ng grupong NPA na sumama sa kanilang maling ipinaglalaban ay pawang mga kabataang estudyante na tuluyang nasira umano ang kanilang kinabukasan.
- Latest