AWOL na parak dawit sa mga kaso, inaresto
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang AWOL (Absent Without Official Leave) na parak matapos itong ireklamo ng malversation o pagwawaldas ng pondo sa isinagawang operasyon sa Mangahan, Pasig City kamakalawa.
Kinilala ni PNP-MEG Director Colonel Ronald Oliver Lee ang nasakoteng suspect na si PO1 Christian Agliam, 30 , ng Wenmar Subdivision, Mangahan ng lungsod na ito.
Ayon sa opisyal ang suspect ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Honorio Ebora, Presiding Judge ng Municipal Trial Court (MTC), Branch 71 ng Pasig City kaugnay ng kasong malversation of public property at inirekomenda ang piyansa nito sa halagang P9,000.00.
Bandang alas -2 ng hapon nang isailalim sa kustodya ng PNP-IMEG ang suspect kaugnay ng panibago nitong kasong kriminal.
Samantalang bago ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa suspect ay isinailalim ito sa masusing surveillance operation.
Nabatid na bago ito ay nasangkot na rin ang suspect sa kasong grave threat at paglabag sa Republic Act 10591 (Anti-Firearms and Ammunition Law) sa Taguig City.
Ang operasyon ay bahagi sa pinaigting na internal cleansing ng PNP.
- Latest