‘Pusher’ bulagta sa buy-bust
MANILA, Philippines — Tumimbuwang ang isang sinasabing kilabot na tulak na nasa drug watchlist ng pulisya matapos pumalag sa buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nagawa pang maisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang suspek na si Henry Bargamento, alyas “Toto”, nasa 35-40 anyos, residente sa isang barung-barong sa tabi ng estero ng Fugoso St. sa may panulukan ng Teodora Alonzo St., sa naturang lugar ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Sa ulat ni P/Chief Master Sergeant Richard Escarlan kay P/ Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, nagsagawa ng operasyon laban sa alyas “Toto” ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-Station 3 sa pangunguna ni P/Captain Kherwin Evangelista alas 2:10 ng hapon nitong Sabado.
Nakabili ang pulis na tumayong buyer sa suspek sa isang eskinita ng halagang P200 shabu na hindi kalayuan ay nakaantabay ang mga kasamahang operatiba.
Natunugan ng suspek na may mga kasama ang poseur buyer kaya nagtatakbo patungo sa barung-barong na nauwi sa habulan hanggang sa magtago sa loob ang suspek na sinundan ng mga operatiba subalit sinalubong sila ng mga putok na nauwi sa engkuwentro.
Narekober sa crime scene ang kalibre 9-MM na baril ng suspek at walong sachet ng shabu na may timbang na 5.7 gramo.
- Latest