Parking area sa Undas, hiling ng MMDA sa LGUs
MANILA,Philippines — Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga dagdag na parking area sa bisinidad ng mga sementeryo para maiwasan ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa darating na Undas.
Sinabi ni MMDA general manager Jojo Garcia na ang mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan ang dapat magtalaga ng mga paradahan sa mga nasasakupan nilang sementeryo para maging organisado ang pagparada ng mga motorista na bibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Magpapatupad naman ng ‘maximum tolerance’ ang MMDA sa mga motorista ngayong Undas ngunit nilinaw nila na hindi pagbibigyan ang mga abusadong may-ari ng sasakyan na basta ihahambalang ang kanilang mga behikulo na magdudulot sa pagbubuhol ng trapiko.
Manghuhuli pa rin umano sila ng mga sasakyan na lalagpas sa itinalagang parking space ng mga lokal na pamahalaan.
Nakatakda pa rin namang magpulong ang MMDA at mga lider ng mga LGU na miyembro ng Metro Manila Council (MMC) para sa paglalatag ng kani-kanilang plano sa pagsasaayos ng trapiko sa Undas.
Kanselado naman ang number coding sa Metro Manila sa Nobyembre 1 na isang Holiday.
- Latest