2 arestado sa pangho-'hostage' ng bangkay sa Maynila
MANILA, Philippines — Hindi buhay kundi patay ang napiling bihagin ng dalawang suspek sa Maynila kapalit ng pera, ayon sa ulat na inilabas ng Manila Public Information Office, Biyernes.
Naaresto sina Rolando Duran Morado at Mae Manahan, parehong nagtratrabaho sa Funeraria Cruz sa Sta. Cruz Maynila, sa pamamagitan ng entrapment operation, Huwebes.
Aniya, kinuha nina Morado at Manahan ang katawan ni Marvin Ologenio nang walang paalam sa pamilya at ginawang modus operandi na ang "theft and robbery extortion."
"Ginamitan ng pananakot ng suspek ang mga complainant upang manghingi ng P360,000 kapalit ng pagre-release ng bangkay," sabi ng synopsis na inilabas ng Manila PIO sa Inggles.
Bago ang pang-aaresto, pumunta muna si Mirasol Ologenio, ina ng bihag, para maghain ng reklamo 12:23 p.m. kahapon.
Sinasabing namatay sa pagkalunod si Ologenio noong ika-3 ng Setyembre sa San Juan River, Sta. Mesa, Maynila.
Iniharap naman ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang mga suspek sa Bulawang Katipunan ngayong hapon.
Inutusan na rin ni Domagoso ang Manila Health Department na i-crack down ang lahat ng punerarya na makikitang lumalabag sa regulasyon ng lokal na gobyerno.
- Latest