Iligal na pamilihan sa Quezon City, pinaiimbestigahan
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isang pamilihan sa lungsod na umano’y nag-o-operate nang walang tamang business permit at nangongolekta pa sa mga maliliit na vendor upang makapuwesto sa naturang lugar.
Kaugnay nito, nagbitiw naman sa pwesto ang head ng Market Development and Administration Department (MDAD) ng lungsod kasunod ng pagkakatuklas ng lokal na pamahalaan hinggil sa maanomalyang market deals at pagpapaimbestiga rito.
Ayon kay Belmonte, nasa 200 vedors sa ilalim ng Luzon flyover ang nagbabayad ng P150 per stall sa isang pribadong kompanya na tinukoy na ang Efficient Business Management Outsource Inc., o kilalala rin bilang e-Manage.
Nabatid na ang mga vendors ay pawang walang business permit ngunit dahil sa halagang nabanggit na kanilang ibinabayad sa “Luzon Wet and Dry Market” kung kaya nakapagtitinda ang mga ito.
Napag-alamang ang e-Manage at isang management consulting firm na may mga kaukulang permit ngunit hindi para mag-operate bilang isang pamilihan.
Samantala, sinabi naman ni Belmonte na pansamantalang pinahihintulutan ang mga maliliit na vendors sa lungsod habang naghahanap pa ng isang ideyal na lugar para sa relokasyon ng mga ito.
- Latest