‘Wattah, Wattah Festival’ tuloy ngayong araw
MANILA, Philippines — Sa kabila ng nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila, tuloy pa rin ang tradisyunal na ‘Wattah, Wattah Festival’ o ‘ Basaan Festival’ sa San Juan City, ngayong araw.
Sinabi ni outgoing San Juan City Mayor Guia Gomez, ang tradisyunal na basaan ay isasagawa sa Pinaglabanan Shrine kung saan sesentro ang selebrasyon sa pagtitipid ng tubig.
Ayon kay Mayor Gomez, kumpara sa 50 trak ng tubig na ginamit noong nakaraang taon, ay gagamit lamang sila ngayon ng 16 trak.
Matatandaang sa pagsisimula ng selebrasyon, nagdaos ang local government ng online water conservation campaign upang ma-educate ang mga residente sa kahalagahan ng tubig sa kanilang buhay.
Pinaalalahanan naman ni Gomez ang mga makikiisa sa selebrasyon na gumamit lamang ng malinis na tubig sa pambabasa.
Magpapatupad din naman ng liquor ban ang lokal na pamahalaan simula 12:01 ng madaling araw ng Hunyo 24 hanggang 3:00 ng hapon.
Kaugnay nito, tiniyak ng San Juan City Police na handang-handa na ang kanilang pwersa upang magbigay ng seguridad sa naturang taunang selebrasyon.
- Latest