Kakulangan ng classrooms at upuan sumalubong sa pagbubukas ng klase
MANILA, Philippines — Bagama’t naging maayos ang pagbubukas ng klase sa lungsod Quezon, ang kakulangan naman sa mga upuan ang pangunahing problema na sumalubong sa ilang paaralan dito.
Kabilang sa nakaranas ng kakulangan ng upuan ng mga mag-aaral ang Batasan Hills National High School na isa sa pinakamalaking paaralan hindi lamang sa lungsod kundi sa buong Pilipinas.
Sinabi ni Dr. Proceso Templelera, principal ng Batasan High School, nangangailangan sila ng dagdag na 40 classroom o katumbas ng apat na palapag na gusali para sa 4,000 hanggang 5,000 dagdag na mag-aaral ngayong school year.
Anya, alas-7 pa lamang ng umaga kahapon ay mahigit na sa 15,300 ang bilang ng mga mag-aaral na naka-enroll sa kanilang paaralan mula sa dating 14,600 students noong nakalipas na school year. Anya, sa ngayon ay mayroon silang 151 classrooms na kinabitan ng apat na electric fans pero hindi ito sapat para kalmahin ang sobrang init ng panahon.
Dumami anya ang enrollees ngayong pasukan sa Grade 7 at dumami rin ang transferees na galing sa mga private schools.
Kulang din anya sila ngayon ng 21 guro, pero darating na sa June 15 ang dagdag nilang guro mula sa Department of Education.
Samantala, wala namang magamit na upuan ang mga mag-aaral sa New Era High school kahapon kaya’t minabuti na lamang ng mga guro dito na gawing tatlong shift ang pasok ng mga mag-aaral habang wala pa ang mga bagong upuan.
- Latest