Ama nagpabaya sa anak, inaresto
MANILA, Philippines — Inaresto ang isang ama makaraang ireklamo ng kanyang dating misis dahil sa hindi pagtupad sa pagbibigay ng sustento sa kanyang mga anak, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Kinilala ang inaresto na si James Czarvi Esguerra, alyas “JC”, ng Brgy. San Miguel, Taguig City.
Sa ulat ng pulisya, inaresto ang suspek dakong ala-1:30 ng hapon sa loob ng isang fastfood restaurant sa may Brgy. Ususan. Hindi na nakapalag ang suspek nang ihain sa kanya ang warrant of arrest para sa kasong Other Acts of Child Abuse (Non Support) na inilabas ng Cainta, Rizal Regional Trial Court Branch 18.
Unang inireklamo ni Glaiza Belison-Esguerra ang mister na si James sa Regional Special Operations Unit (RSOU) dahil sa hindi pagtupad ng lalaki sa utos ng korte na magbigay ng sustento sa mga anak.
Ayon sa rekord ng korte at salaysay na rin ni Glaiza, naghiwalay sila ni James noong 2010 ngunit hindi nagbigay ang lalaki ng sustento para sa kanyang anak hanggang taong 2013. Nagbigay lamang ang lalaki ng pera noong 2014.
Ngunit noong 2016, nagkaroon ng anak sa ibang babae si James at hindi na nagpadala ng pera para sa anak kay Glaiza. Dito na nagsampa ng kaso sa korte ang babae.
- Latest