Bus terminals sa EDSA, tuluyang isasara
MANILA, Philippines — Bilang na ang araw ng mga terminal ng pampasaherong bus sa EDSA dahil sa napipintong pagkakansela ng kanilang mga business permits.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang resolusyon na nagbabawal na isyuhan ng business permits ang lahat ng public utility bus terminals at operators at iba pang pampublikong sasakyan na nasa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang inaprubahang regulasyon ay ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang lahat ng bus terminals sa EDSA.
“Ang target natin ay tanggalin ang lahat ng bus terminals sa EDSA at i-relocate sila sa labas ng Metro Manila para mabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko,” ani Lim.
Dagdag pa niya, mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan para sa pag-aalis ng mga terminals dahil sila ang nagbibigay sa mga ito ng business permits na kailangan para makapag-operate.
Ani Lim, irerekomenda ng MMDA ang pagsasara ng bus terminals sa Abril sa koordinasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
- Latest