Rafael Baylosis, abswelto sa mga armas at bomba
MANILA, Philippines — Inabswelto ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa kasong illegal possession of firearms and explosives ang consultant ng National Democratic Front (NDF) na si Rafael Baylosis.
Ginawa ang pagbasura sa kaso ni Baylosis matapos na katigan ng korte ang inihain niyang demurrer of evidence o pagbasura sa kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya ng prosekusyon.
Bukod kay Baylosis, ibinasura din ang kaso sa kapwa akusado nito na si Roque Guillermo.
Base sa desisyon ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) branch 100 Judge Editha Aguba , ipinag -utos niya na pakawalan si Baylosis kung wala na itong ibang kinakaharap na kaso at payagan din na mabawi ni Guillermo ang P120,000 cash bond niya.
Magugunita na ang dalawa ay unang naaresto ng mga awtoridad noong Pebrero 2018 sa Katipunan Avenue kung saan nakumpiska umano mula sa pag-iingat nila ang ilang baril, granada at mga bala.
Ayon kay Judge Aguba, ilegal ang naging pag- aresto kay Baylosis kaya ang nakumpiska sa mga ito ay hindi maaaring gawing ebidensya laban sa kanila. Bukod dito, pinuna rin ng hukom ang magkakaibang testimonya ng mga umarestong miyembro ng pulisya.
- Latest