LTO sinuspinde rehistro, plaka ng truck
Fatal Katipunan accident
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng 90 araw ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang rehistro ng truck na sangkot sa Katipunan flyover accident na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 25 iba pa noong Disyembre 5.
Ang suspensiyon ayon kay Mendoza ay batay sa resulta ng imbestigasyon na may road worthiness problem ang Isuzu Wing Van Truck with Plate No. RJK719 na minamaneho ni Richard Mangupag.
“We found out during the investigation that the same truck’s registered engine number is different from the engine recorded in the findings of the North Motor Vehicle Inspection Center (NMVIC) team,” ani Mendoza.
Lumilitaw din aniya na hindi na dapat pang nagbibiyahe ang truck na ilang beses nang nahuli dahil sa kasong overloading mula 2021 hangggang 2023.
Dagdag pa ni Mendoza, kinumpiska rin ang plaka ng truck dahil na rin sa traffic violation records at discrepancy sa registration.
Matatandaang matapos ang malagim na aksidente, naglabas na rin ang LTO Show Cause Order (SCO) laban kay Mangupag at sa registered owner ng truck. Napag-alaman na ang truck ay nakarehistro sa kompanya na nagma-manufacture ng asukal.
Pinangunahan ni Mendoza ang imbestigasyon kung saan bigo ang mga may-ari ng sasakyan na dumalo sa pagdinig.
Nilinaw ni Mendoza na hindi lamang ang truck driver ang sinisiyasat ng LTO kundi maging ang pagkuha ng kompanya ng mga pasaway na driver.
- Latest