Kotse na tinadtad ng bala, inabandona
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang ukol sa inabandonang sasakyan na may mga tama ng bala sa Caloocan City Biyernes ng hapon.
Ayon kay Caloocan City police deputy chief for administration Supt. Ferdinand Del Rosario, alas-5:00 ng hapon nang matagpuan ang isang puting Kia Rio na ( PQC-284) sa kahabaan ng Yakal St., Pleasant View Subdivision, Bagbaguin, Brgy. 165.
Batay sa pahayag sa pulisya ng isang saksi na si Fernando Natabio, 42, mekaniko ng Everlasting St. Pleasant View Subdivision, halos isang buwan na inabandona ang naturang sasakyan subalit, wala kahit isa na nag-report sa pulisya hanggang magpasya na itong itawag sa Anti-Carnapping Unit (ANCAR).
Sa isinagawang pagsusuri ng Caloocan City Police, ANCAR, nadiskubre na may limang tama ng bala papasok sa kaliwang pinto ng driver side at isa sa kaliwang gilid na hulihang pinto subalit, wala namang mantsa ng dugo sa buong paligid ng sasakyan.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Barangay 165 ang sasakyan habang inaalam pa ang tunay na may-ari nito sa Land Transportation Office (LTO).
- Latest