1 patay, guro sugatan sa pamamaril sa QC
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay habang isa pa ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ang una ng hindi nakikilalang suspek sa may Brgy. Holy Spirit Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang biktima na si Raymond Quebec, 28, may live-in-partner, ng no. 156 Ranger St., ng nasabing barangay habang ang sugatan si Laurence Alfonso, 46, isang guro at residente ng Commodore St., Brgy. Holy Spirit QC.
Sa imbestigasyon ni PO2 Elario Wanawan, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Army Road kanto ng De Leon St., Brgy. Holy Spirit, dakong alas-7:30 ng gabi.
Sinasabing nasa loob ng barangay hall ang mga barangay tanod na si Reynaldo Llyada at tatlo pang kasamahan habang naka-duty nang dumating si Alfonso na sakay ng isang tricycle at inireport ang insidente ng pamamaril sa lugar.
Agad na rumesponde ang mga barangay officials sa lugar para tignan hanggang sa madatnan nila ang biktimang si Quebec na walang buhay at duguang nakahandusay sa lugar.
Kuwento ni Alfonso habang nakaratay sa emergency hospital, inaasistehan niya ang kanyang mga estudyante sa lugar nang biglang may magpaputok ng baril at siya ay tamaan ng bala sa kaliwang paa.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene narekober ang 12 basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril, basyo ng bala at mga tingga nito.
- Latest