Presidente ng kompanya na nanalo sa sabong, dinukot ng mga nagpakilalang pulis!
MANILA, Philippines - Dinukot ng tatlong armadong lalaki, na nagpakilalang mga pulis, ang pangulo ng isang kompanya na kapapanalo pa lamang sa sabong ng P400,000 sa Mandaluyong City, kamakalawa.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, pinalaya naman na ng kanyang mga di kilalang abductors ang biktimang si Warlie Tan, alyas Walling, 36, pangulo ng SIA Flexibag Company, at residente ng Brgy. Addition Hills, ngunit tumatanggi itong makipagtulungan sa Mandaluyong City Police sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Ambrocio Gam, kagagaling lamang ni Tan sa isang sabong sa San Juan Coliseum, kung saan ito nanalo ng P400,000 at ipinaparada na nito ang kanyang Suzuki Air Tegan (ABG 1094) sa harapan ng Sacred Heart church sa Welfareville compound sa Barangay Addition Hills nang isang sasakyan na may plakang ABR 5885 ang humarang sa kanyang daanan dakong alas-8:00 ng gabi.
Nilapitan umano ng isa sa tatlong suspek si Tan, tinutukan ng baril, at saka pinabababa ng sasakyan.
Nang tumanggi si Tan ay pinalo umano ito ng puluhan ng baril at saka kinaladkad at isinakay sa kanilang getaway vehicle at nagtungo sa di tinukoy na lugar.
Sa hindi pa batid na dahilan ay pinauwi rin naman ng mga suspek ang biktima, at hindi naman nakuha ang kanyang napanalunan sa sabong, na itinago sa glove compartment ng kanyang sasakyan.
Tumatanggi naman umano ang biktima na makipag-usap sa mga awtoridad ng Mandaluyong City Police dahil nagpakilalang pulis ang mga dumukot sa kanya, at sa halip ay sa National Police Commission (Napolcom) ito naghain ng reklamo, kasama ang kanyang mga kaanak.
Inatasan naman na ni Sapitula si Mandalu-yong City Police chief, P/Senior Superintendent Joaquin Alva na maki-pagtulungan sa imbestigasyong isasagawa ng Napolcom sa kaso.
Inutusan din ni Sapitula si Alva na ipadala sa Napolcom ang mga larawan ng kanyang mga tauhan para sa identipikasyon ng mga ito.
- Latest