‘One Time Big Time Operation’, mahigit 100 katao pinagdadampot
MANILA, Philippines - Mahigit sa 100 katao kabilang dito ang labing isang mga wanted sa batas habang 24 na motorsiklo ang nakumpiska sa ikinasang “One Time Big Time” operation (OTBT) ng pulisya, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Ayon sa tanggapan ni Senior. Supt. Jemar D. Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, nagsimula ang kanilang operasyon alas-10:00 ng gabi sa Brgy. San Dionisio at San Isidro ng naturang siyudad.
Labing-isa sa nadakip ang napag-alamang wanted sa batas at may ibat-ibang kasong kinasasangkutan, habang kumpiskado rin ang 24 motorsiko na walang mga kaukulang dokumento.
Sinabi ni Modequillo, hanggat maaari aniya ay aaraw-arawin nila ang operasyon para malinis ang naturang siyudad laban sa mga taong gumagawa ng iligal na gawain.
Samantala sa San Juan, nasa 18-katao ang nahuli sa isinagawa ring ‘One Time, Big Time’ operation ng mga awtoridad sa Brgy. West Crame, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng San Juan City Police, nabatid na dakong 9:30 ng gabi nang ilunsad ng kanilang mga tauhan ang operasyon.
Kabilang sa mga naaresto ay pitong lumabag sa city ordinance.
Nakaaresto rin ang mga awtoridad ng 11 traffic violators, na kinabibilangan ng isang nagmamaneho ng motorsiklo nang walang balidong registration certificate, isang may expired Ordinance Violation Receipt ticket, isang nagmaneho ng walang lisensya, isang lumabag sa dress code, limang hindi sumunod sa traffic sign at dalawang walang suot na helmet habang nagmu-motorsiklo.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong nakatakdang isampa laban sa mga taong kanilang naaresto.
- Latest