Ancestral house ng pamilya ni ex-DAR Sec. Juico, nasunog
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P.7 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala makaraang masunog ang ancestral house ng pamilya ni dating Department of Agrarian Reform Secretary Philip Juico sa Barangay Paraiso sa Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Officer 3 Rosendo Cabillan, fire investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang nasabing bahay ay matatagpuan sa #134 Roosevelt Avenue sa nasabing barangay.
Nagsimula ang sunog dakong alas-9:29 ng umaga sa ikalawang palapag ng bahay partikular sa mini-chapel nito.
Sinasabing tanging caretaker lamang ang tumitingin sa naturang bahay nang magsimula ang sunog.
Gayunman, agad namang naitawag ito sa kagawaran ng pamatay-sunog kaya mabilis na naapula ang apoy.
Naisalba naman sa antigong bahay ang nasa 50 antique na paintings kabilang ang tatlong paintings ng tanyag na artist na si Fernando Amorsolo.
Ayon sa pamilya, ang naturang bahay ay dinisenyo ni Pablo Antonio at naibenta na umano sa San Jose Builders at gagawin itong Las Casas De Juico o isang National Heritage Site.
Umabot naman sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire-out bandang alas-10:35 ng umaga.
- Latest