PNP, AFP nakaalerto sa ‘Black Friday’ protest
MANILA, Philippines - Nakaalerto na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng ikinakasang malawakang ‘Black Friday ‘ protest ngayong araw (Nobyembre 25) at maging sa Nobyembre 30 ng mga anti-Marcos group na tutol ilibing ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon kay NCRPO Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde nakalatag na ang lahat ng security measures na kanilang ipatutupad upang tiyakin na iiral ang peace and order sa nasabing kilos protesta.
Inihayag ni Albayalde na magde-deploy din sila ng sapat na bilang ng mga pulis sa venue ng mga idaraos na malawakang kilos protesta sa Metro Manila.
Umapela naman ang heneral sa mga organizers ng mga anti-Marcos protesters na isagawa ang kanilang kilos protesta ng mapayapa at iwasan ang maging bayolente.
Sa panig ng AFP, sinabi naman ni Col. Edgard Arevalo, Chief ng AFP Public Affairs Office na nakahanda na rin ang 200 sundalo ng AFP Joint Task Force–National Capital Region na naka-standby sa Camp Aguinaldo at handang tumulong sa puwersa ng PNP sa pagmimintina ng seguridad sa naturang malawakang mga kilos protesta.
Aabot sa 400 ang bilang ng kapulisan ang itatalaga ng Southern Police District (SPD) para sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City, ayon kay SPD director, Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., nakaalerto ang kanilang pwersa hinggil sa deklarasyon ng mga magpoprotestang anti-Marcos ngayong araw na tinawag nilang “Black Friday”.
- Latest