500K katao inaasahang dadagsa ngayon sa Manila South Cemetery
MANILA, Philippines - Inaasahang humigit kumulang na nasa kalahating milyong katao ang magtutungo sa Manila South Cemetery sa lungsod ng Makati ngayong araw na ito ng Nobyembre 1 para sa paggunita ng Undas.
Ayon kay Engr. Maribel Bueza, deputy director ng Manila South Cemetery, nasa 300,000 ang nakalibing dito na may 25 ektarya ang lawak.
Bukod sa mga naka-deploy na pulis, military personnel at civilian volunteers, nasa 16 CCTV camera ang nakakabit dito.
“We have a 24-hour security here,” ani Bueza.
Mahigpit na ipinagbabawal na magdala ng mga baril, patalim, alak, loudspeakers at amplifiers.
Naglagay naman ang pamahalaang lungsod ng Makati public assistance stations at mga wheel chairs upang umagapay sa mga senior citizens.
Inaasahang tinatayang nasa 500,000 katao ang magtutungo ngayon sa naturang libingan.
Sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, ilan sa mga supporters ang dumalaw sa puntod nina Senator Benigno Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon Aquino.
Nagpadala naman ng bulaklak sina Pangulong Rodrigo Duterte at dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada sa puntod ng mag-asawang Aquino.
Nagpadala din ang Malacañang ng mga bulaklak sa mga puntod nina dating Pangulong Elpidio Quirino, Diosdado Macapagal at Carlos Garcia na nasa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Maliliit naman na mga bandila ng Pilipinas ang inilagay sa puntod ng mga sundalong nakalibing dito.
- Latest