2 pang ‘tulak’ dedo sa Quiapo shootout
MANILA, Philippines – Dalawa pang ‘tulak’ ng iligal na droga ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga operatiba ng Manila Police District-Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit sa isinagawang buy-bust operation, sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala lamang ang mga ito sa mga alyas na Jun Tausug, nasa 40-45 ang taong gulang, payat, may tattoo na “BCJ”, nakasuot ng itim na t-shirt at light blue shorts at isang Jerome, 40-45, 5’2 ang taas, balingkinitan, nakasuot ng cycling short at puting sando.
Sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang engkuwentro alas-10:30 ng umaga sa loob ng bahay sa Interior A, Concepcion Aguila St., malapit sa panulukan ng Pasaje del Carmen St. Quiapo, Maynila
Nakipagtransaksiyon umano ang dalawang poseur-buyer sa mga nasawi subalit nang matunugan na marami ng pulis na nakapaligid sa lugar ay biglang namaril ang dalawa kaya nauwi sa engkuwentro hanggang sa mapatay ang mga ito.
Nakarekober ang mga pulis ng 2 kalibre 38 baril at mga drug paraphernalias, 3 sachet ng shabu at 2 nakabukas na plastic na may residue ng shabu.
Samantala, sa Quezon City naman utas din ang dalawang hinihinalang drug user matapos makipagbarilan sa mga pulis dakong ala- 1:00 kahapon ng madaling araw sa Novaliches.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga dalawa.
Una nang nag-report sa pulisya ang ilang residente sa lugar tungkol sa kahina-hinalang kilos ng dalawa. Agad namang nagresponde ang pulisya na kanilang sinita. Gayunman agad na nagpalabas ang mga ito at pinaputukan ang mga awtoridad kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok na ikinamatay ng dalawa.
- Latest