Report ng Senado sa Pork Barrel at Money Laundering wala nang saysay
MANILA, Philippines - Kahit pa inihabol, wala nang saysay ang report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ng natalong si Senator Teofisto “TG” Guingona III tungkol sa Pork Barrel Fund Scam at Money Laundering dahil isinumite ito matapos isara ang 16th Congress.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, inihain ang dalawang report ng komite noong naka-sine die adjournment na ang Senado sa ilalim ng 16th Congress.
Sinabi pa ni Drilon na hindi maaring magamit ang nasabing report para i-adopt ng papasok na 17th Congress dahil hindi wala sa record ng ito ay “officially submitted”.
Kapuna-puna naman na dalawang taon ng buo ang committee report tungkol sa pork barrel fund scam pero noong Mayo 2016 lamang ito pinirmahan ng 12 senador.
Sa report, wala ring ibang pangalan na idinagdag at inirekomendang kasuhan ng plunder at isalang sa Ethics committee maliban sa mga nauna ng sinampahan ng kaso na sina outgoing Senators Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Juan Ponce Enrile, at kanilang mga staff na sinasabing naging agents ni Janet Lim Napoles.
Binanggit sa report na nagdulot ang tatlong senador ng malaking kahihiyan sa Senado.
Inirekomenda ring tanggalan ng lisensiya ng Integrated Bar of the Philippines ang mga abogadong sangkot sa scam kasama ang 92-taong gulang na si Enrile.
Samantala, sa report tungkol sa Money Laundering kung saan nakapasok sa isang bangko sa Pilipinas ang perang ninakaw sa Bangladesh, inirekomendang mas dagdagan ang ngipin ng Anti-Money Laundering Law.
Pirmado ang report ng 13 senador na inirekomenda ring dapat masakop ng batas ang mga casino.
- Latest