Obrero, hulog sa taas na 50 ft. sa NAIA project
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 42-anyos na construction worker nang mahulog mula sa inaapakan nitong gondola na may taas na mahigit 50-talampakan makaraang mawalan umano ito ng balanse habang nagkukumpuni sa NAIA Express Way Phase 2 Project kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Chequito Montes, may-asawa , nakatira sa Happy Land Magsaysay, Tondo, Manila sanhi ng tinamong pinsala sa kanyang ulo at katawan.
Ayon report na natanggap ni Sr. Supt. Ariel Andrade, hepe ng Paraña-que City Police, naganap ang insidente alas-8:30 ng gabi sa panulukan ng MIA Road at Quirino Avenue, Brgy. Tambo ng nasabing lungsod.
Nabatid, na inaayos umano ng biktima kasama ang dalawa pa nitong kasamahan ang kanilang sinasampahang gondola na may taas na 50-talampakan nang bigla umanong mawalan ito ng balanse hanggang sa nahulog ito.
Nagawa pa umanong makakapit sa “safety net” ng biktima ngunit nakabitiw din ito hanggang sa tuluyang bumagsak sa kalsada na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.
Napag-alaman naman sa kasamahan ng biktima na si Erick Fortin, 31, na hindi na umano naisuot ni Montes ang kanyang “safety harness belt” kaya’t hindi napigilan ang pagbagsak nito.
Nakalagak ang labi ng biktima sa People’s Funeral upang isailalim ito sa autopsy.
- Latest