2 sunog sa Quezon City: 3 sugatan
MANILA, Philippines – May kabuuang 23 na bahay ang naabo habang tatlo katao ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa magkahiwalay na barangay sa lungsod Quezon, sa loob lamang ng 12 oras, ayon sa Bureau of Fire Protection kahapon.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, unang sumiklab ang sunog sa may Brgy. Kalusugan na nagsimula sa bahay na pag-aari ng isang Ricardo Cornejo, at inuupahan ng isang Cristina Pelarta, 22 na matatagpuan sa 71-F Broadway St., ganap na alas-8:40 ng gabi.
Nagmula ang sunog sa ground floor ng nasabing bahay kung saan bigla na lamang umanong may nakitang usok kasunod ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay dito.
Umakyat hanggang sa ikalimang alarma ang sunog bago tuluyang maapula ito ganap na alas-9:16 ng gabi.
Umabot naman sa 60 pamilya ang nawalan ng tirahan habang tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Nakilala naman ang mga biktima na sina Vilma Yap; Claire Bautista at Leticia Ballebar.
Sinasabing napabayaang kalan ang ugat ng nasabing sunog, bagay na iniimbestigahan pa rin ng BFP.
Samantala, alas-10:20 Miyerkules ng umaga naman nang sumiklab ang sunog sa Brgy. Apolonio Samson, na nagsimula sa bahay ng isang Danilo de Luta, 35 na mata-tagpuan sa Oliveros Drive.
Nadamay sa naturang sunog ang dalawang bahay na kadikit nito, na umabot lamang sa ikatlong alarma, at agad namang naapula ng BFP, ganap na alas-10:56 ng umaga.
- Latest