Tatakasan ang amo kasambahay hulog mula 15th floor, lasog
MANILA, Philippines – Mistulang lumagapak lamang na ibon ang isang 19-anyos na kasambahay na nahulog mula 15th floor ng gusali na nagkalasug-lasog ang kawatan sa may Tambacan St., sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang biktimang si Robelyn A. Zozobrado, tubong Dipolog , Zamboanga City at stay-in househelp, sa pamilya Gaw, okupante ng isang unit sa 18th Floor ng China Plaza Building, sa Tambacan St., sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10:35 ng gabi sa harapan ng Lido de Pares Hotel sa Tambacan St., Sta. Cruz,.
Kahapon ng hapon nang magtungo ang pamilya Gaw, mga amo ng biktima sa Homicide Section upang kilalanin ang biktima.
“Hindi namin alam kung nasaan siya kasi umaga paggising namin hindi na siya makita at nung hinanap namin may nagsabi na may bag sa 15th floor, nakita namin yun yung bag na may mga damit niya,” ani Jenny, 28–anyos at isa sa amo ng biktima.
Nabatid sa pinirmahang kontrata ng biktima sa Nilo Industrial Manpower Services, ang ahensiya kung saan kinuha ng pamilya Gaw ang biktima, nitong Enero 10 lamang siya nagtrabaho sa pamilya Gaw at pinabayaran pa sa pamilya Gaw ang utang ng biktima na umaabot sa mahigit P14,000.
“Limang araw pa lang siya sa amin, bago pa lang siya at wala siyang pera, nangupit siya ng pera sa akin pinagsabihan ko lang na huwag uulitin at noong gabi mga alas -10:00 ay natulog na kami at hindi namin alam na wala na siya,” ani Jenny.
Alas-10:30 ng gabi naman nang masaksihan ni Aireen Untalan, security guard ng Lido de Paris Hotel na may malaking tubo na bumagsak at kasunod ang nasabing babae.
Naging mabilis man ang pagsaklolo ng mga taong nakasaksi at dinala siya sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay.
May teorya din na posibleng nais tumakas ng biktima sa pamilya dahil nakita ang bag na may lamang mga damit sa bintana sa ika-15 palapag gayung sila ay nakatira sa ika -18 palapag.
Sa paghawak umano marahil sa malaking tubo ay nakalas o bumigay ito kaya nahulog sa ibaba ang biktima dahil kung sa ground floor siya lalabas ay sisitahin siya ng guwardiya.
Isinailalim pa sa awtopsiya ang bangkay.
- Latest