3 Tsino tiklo sa shabu sting ops ng NCRPO
MANILA, Philippines – Himas rehas ngayon ang dalawang Tsino matapos mahulihan ng 30 kilo ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Quezon.
Nakilala ang mga suspek na sina Geng Qing Chuan, 35 at Xiangfan Yao, 28, kapwa resident eng Ongpin, Binondo.
Nasakote ang dalawang Tsino matapos pagbentahan ng shabu ang isang undercover police sa isang condotel sa Ramon Magsaysay Avenue, corner Araneta Avenue Barangay Doña bandang 9 a.m.
Bukod sa shabu ay kinumpiska rin ng mga awtoridad ang isang gray na Toyota Innova (TWQ-280) na ginamit ng mga suspek.
Sinabi ni National Capital Region Police Office director Joel Pagdilao na ang pagkakahuli sa mga Tsino ay bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga.
Umabot na sa 90 milyon ang halaga ng droga na kanilang nakukumpiska sa loob lamang ng dalawang linggo ngayong Enero, habang nasa 131 katao na ang nadakip.
Nitong kamakalawa lamang ay isa ring Tsino ang nadakip sa buy-bust operation sa Mulawin Street, Purok 3, Barangay New Lower Bicutan.
Dalawang linggong tiniktikan ng mga awtoridad si Li Gongli, 36, bago naaresto.
Tiniyak ni Pagdilao na patuloy nilang susugpuin ang ilegal na droga.
- Latest