Pagbabalik ni Isko: Balik na rin ang curfew ng mga bata sa Maynila
MANILA, Philippines — Sa kanyang pagbabalik sa city hall ng Manila City, agad na nilagdaan ni Mayor Isko Moreno ang Executive Order No. 2 na muling nagtatakda ng curfew para sa mga menor de edad sa lungsod.
Sakop ng curfew ang mga batang wala pang 18 taong gulang, mula 10 p.m. hanggang 4 a.m., alinsunod sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.
Batay sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, walang ipapataw na parusa sa mga batang lalabag sa curfew. Sa halip, ihahatid sila sa kanilang bahay o sa barangay para maibalik sa pangangalaga ng kanilang mga magulang.
Ayon kay Moreno, layunin ng hakbang na protektahan ang kabataan mula sa mga posibleng panganib sa lansangan sa gabi.
Kasama sa mga ulat na tinukoy niya ang mga kasong may kinalaman sa pag-inom ng alak, rambol, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at petty crimes.
Nais daw niya maging "extra parent" ang gobyerno ng mga kabataan.
Inatasan ng alkalde ang Manila Police District at Manila Department of Social Welfare na magpatupad ng mga checkpoint at tiyaking nasusunod ang bagong kautusan.
Dagdag pa sa kautusan, dapat ding isulong ang mga intervention programs tulad ng counseling at parenting education para sa mga kabataang at risk na masangkot sa krimen. — Mula sa ulat ni Dominique Nicole Flores
- Latest