Taxi driver na nanuntok ng pasahero, parurusahan ng LTFRB
MANILA, Philippines – Handang parusahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang taxi driver na nanuntok at nagmura sa kanyang pasaherong babae, kamakalawa.
Ang pahayag ay ginawa ng LTFRB nang maging viral sa FB video ang nai-post ng biktimang si Joanne Garcia hinggil sa sinapit sa kamay ng isang taxi driver.
Sa pagbusisi ng LTFRB sa insidente, sinabi ni LTFRB board member Ariel Inton na sa ginawang franchise verification at pagbusisi sa record, nalaman na ang taxi ay isang AFG taxi na pagmamay-ari ng isang Ariel F. Gamboa at ang aroganteng taxi driver ay nakilalang isang Roger B. Catipay ng Sta. Ana, Manila.
Kahapon ng umaga, personal na dinala ni Gamboa si Catipay sa tanggapan ni Atty. Inton.
Bunga nito, pinagharap nito ang biktimang si Garcia, Gamboa at Catipay.
Doo’y humihingi ng pasensya ang driver na si Catipay sa biktimang si Garcia pero nagdesisyon ang huli na kasuhan ang driver kaya’t dinala na ito sa pulisya para sa pormal na reklamo.
Kaugnay nito, itinakda ng LTFRB ang pagdinig ng board sa kasong ito sa January 12, 2016 ng alas-9 ng umaga.
- Latest