Naagnas na bangkay ng kelot nadiskubre
MANILA, Philippines – Kung hindi pa umalingasaw ang masansang na amoy ay hindi pa matatagpuan ang naagnas na bangkay ng isang lalaki sa loob ng kanyang tirahan sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), ang biktima ay nakilalang si Johnny Torres, nasa hustong gulang, naninirahan sa 56-A. Maginoo St., Brgy. Culiat, sa lungsod.
Ayon sa ulat, alas-9:30 ng gabi ng madiskubre ang naagnas ng bangkay ng biktima ng isang Denice Navarra, makaraang makalanghap ito ng masansang na amoy na nagmumula sa bahay ng una.
May nakita din umano si Navarra na kulay itim na tumutulo mula sa loob ng tirahan ng biktima dahilan para magpasya na itong humingi ng tulong sa Barangay. Agad namang rumisponde ang ilang opisyal ng barangay sa lugar at binuksan ang bahay kung saan nadiskubre ang bangkay ng biktima.
Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima noong Disyembre 21 dakong ala-1 ng madaling araw habang naninigarilyo sa loob ng kanyang bahay kung saan sinasabing mag-isa lamang siyang namumuhay.
Samantala, sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) wala namanng sugat sa katawan ng biktima na palatandaan na nagkaroon ng foul play sa pagkamatay nito.
- Latest