Tsino huli sa P15-M shabu
MANILA, Philippines – Timbog ang isang Chinese national matapos itong makuhanan ng limang kilong shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P15 million sa isinagawang buy-bust operation nang pinagsanib na pwersa ng Makati City Police, District Anti Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Supt. Joel Pagdilao, regional director ng NCRPO ang naarestong suspek na si Xiao Min Chua, alyas Ong, 45, naninirahan sa 5th Avenue, Caloocan City.
Ayon kay Senior Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City Police, alas-9:30 ng gabi nang maaresto ang suspek sa parking area ng isang convenience store sa panulukan ng Jupiter at Nicanor Garcia Sts., Brgy. Bel-Air ng naturang lungsod.
Matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis mula sa kanilang asset hinggil sa ilegal na transaksiyon ng naturang dayuhan.
Dahil dito bumuo ng isang team ang pinagsanib na pwersa ng Makati City Police, SPD at NCRPO kung saan inilunsad ang buy-bust operation laban sa suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer, na bibili ng isang kilong shabu gamit ang marked money na nagkakahalaga ng P1.2 million kung saan nga nahulog sa bitag ang naturang dayuhan.
Bukod sa isang kilo ng shabu ay nakarekober din ang mga pulis mula sa nakaparadang sasakyan ng suspek ang apat na kilo pang shabu, na tinatayang aabot sa P15 million at P1.5 million budol money.
Nabatid na para hindi mahalata, ang bawat kilong shabu na nakumpiska ay inilagay ng suspek sa Christmas gift bag.
Nabatid kay Pagdilao, may isang buwan nilang isinailalim sa surveillance operation ang naturang suspek at hindi naglaon base na rin sa impormasyon ng kanilang impormante ay nasakote nila ang naturang dayuhan.
Iniimbestigahan na ng pulisya, kung saang grupo ng drug syndicate naka miyembro ang nadakip na dayuhan.
Ang suspek ay nakakulong ngayon sa detention cell ng DAID-SOTG at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest