Trader, timbog sa ‘pyramiding scam’
MANILA, Philippines – Isang negosyante na presidente ng isang marketing group at sangkot umano sa pyramiding scam ang nadakip ng pulisya sa isang entrapment operation na isinagawa sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng Northern Police District (NPD) at nahaharap sa kasong syndicated estafa ang suspek na si Norbert Doria, 36, pangulo ng Direct Marketing Group International at residente ng Intan St., Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Ayon kay Police Chief Supt. Eric Serafin Reyes, district director ng Northern Police District (NPD), alas-6:30 ng gabi nang magsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) sa may EDSA, Caloocan City.
Bago ito, isang nagngangalang Bernadette Duetiz ang nagtungo sa himpilan ng NPD upang ireklamo ang suspek dahil sa patuloy nitong pangangalap ng pera sa mga miyembro ng DMGI kahit ipinag-utos na ng Security and Exchange Commission (SEC) ang pagpapatigil sa pag-invest sa naturang kompanya.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng DSOU at sa tulong ng mga nagrereklamo ay naghanda ang mga ito ng P60,000 bilang pang entrap money hanggang sa nakipagkita sa suspek sa isang pizza parlor sa lugar.
Nang nasa kamay na ng suspek ang pera ay agad na naglapitan sa lamesa ng mga ito ang mga tauhan ng DSOU na nagpanggap na kumakain sa loob ng restaurant kaya’t hindi na nagawa pang makapanlaban ng suspek na agad na dinala sa himpilan ng pulisya upang pormal na masampahan ng kaso.
Kaugnay nito, hinihiling din ng mga awtoridad ang mga naging biktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan upang madagdagan pa ang mga nagrereklamo laban kay Doria.
- Latest