Malalang trapiko sa Maynila, Manilenyo dapat nang makialam
MANILA, Philippines – Naniniwala si dating Binibining Pilipinas candidate at pilantropong si Marilou “Ninang” Chua na dapat makialam na ang mga mamamayan mismo ng Maynila sa pagresolba sa lumalalang trapiko lalo sa ikatlong distrito ng nasabing lungsod.
Isang hakbang na kanyang isinusulong ay ang pagpapa-igting ng ugnayan ng mga transport groups at mga civic organisations tulad ng civic organization na pinapangunahan mismo ni Chua.
Kamakailan, nakipag ugnayan ang organisasyon ni Chua sa Tricycle Operators Drivers Association (TODA) ng ikatlong distrito ng Maynila para ilunsad ang isang kampanya para maisaayos ang daloy ng trapiko sa kanilang lugar.
Nagpakalat ng mga bandera ng pagkakaisa ang TODA sa Maynila.
Kakaiba ang banderang ito sapagkat gamit nito ang isang reflector na ikakabit sa likod ng mga tricycle at maging sa pedicabs upang mas maging visible ang mga ito sa daan at maiwasan din ang aksidente.
“Kadalasang nagiging sanhi ng malalang trapiko ay ang mga aksidente sa daan, lalo na sangkot ang mga pedicabs at tricycles lalo na sa gabi. Maiiwasan na yan kung marami ang gagamit ng reflectorized banners na ito na ikakabit sa likod ng mga tricycles at pedicabs upang madali silang makita ng mas malalaking sasakyan at maiwasan ang sakuna,” ayon kay Chua.
Ito rin ay nagsisilbing paalala na lahat ay pwedeng maging bahagi ng solusyon.
- Latest