Walang inabutang pananghalian, mister dinos-por-dos si misis
MANILA, Philippines – Isang ginang ang malubhang nasugatan makaraan umanong paghahatawin ng dos-por-dos ng kanyang lasing na mister na nagalit dahil sa naubusan ng pananghalian sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 6, ang biktima ay kinilalang si Marichu Juancito, 48 ng Sitio Veterans, Brgy. Bagong Pag-asa sa lungsod.
Siya ay nakaratay nga-yon sa East Avenue Medical Center bunga ng mga tinamong injury sa katawan dulot ng pananakit ng asawang si Domingo Juancito, 52, na kusa namang sumuko sa awtoridad matapos ang naturang insidente.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa bahay ng mag-asawa, ganap na alas-12:00 ng tanghali.
Bago ito, umuwi umanong lasing ang suspect at naghanap ng matatanghalian kung saan inutusan nito ang asawa na ipaghain siya. Subalit, nang sabihin ng ginang na walang ulam at kanin, ay nagalit ang suspect sa una.
Hindi pa nakuntento, kumuha umano ang suspek ng dos -por- dos, saka pinagpapalo ang asawa hanggang sa mawalan ito ng malay.
Agad namang sumaklolo ang mga kapitbahay ng mag-asawa at isinugod sa naturang ospital ang biktima kung saan ito nilapatan ng lunas.
Sa imbestigasyon, bago ang insidente, lumalabas na halos magdamag na nakipag-inuman si Juancito at nagpasya lamang umuwi ng bahay para mananghalian.
Kasong paglabag sa Womens and Children Act ang ang isinampa laban sa suspect sa Quezon City Prosecutors Office.
- Latest