Hostage sa Maynila: Sekyu, manager patay
MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi kabilang ang isang security guard na naburyong at nanghostage sa Sta Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Dead on the spot ang suspek na sekyu na si Fernando Cano, 44, ng USWA Security Agency at residente ng Ramelon St., Bagong Barrio, Caloocan City matapos magbaril sa kaniyang ulo sa gitna ng negosasyon gamit ang kalibre 38 service firearm.
Dead on arrival naman sa Chinese General Hospital si Ricardo Mesina, marketing manager ng Chain Glass Enterprises Inc. dahil sa dalawang bala na tinamo sa dibdib, habang nasa kritikal na kondisyon ang company sales representative na si Victorino Salas na nilalapatan ng lunas sa nabanggit na pagamutan at isang Melanie Alejandrino, na tinamaan sa braso.
Nabatid sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section na dakong alas-2:15 ng hapon nang makarinig ng putok ang mga pulis na nakaantabay sa nagaganap na stand off at nang tunguhin sa ikalawang palapag ang guwardiyang si Cano ay nakitang nakahandusay at duguan na ito na sinasabing nagbaril sa sarili.
Tinangka siyang pasukuin ng mga awtoridad sa pangunguna ni MPD director Chief Supt. Rolando Z. Nana hanggang sa ipatawag ang maybahay nito na nakiusap sa suspek sa pamamagitan ng megaphone subalit walang pagsukong naganap.
Nauna rito, dakong ala-1:30 nang isugod ang tatlong biktima ng pamamaril sa nasabing ospital habang ang apat pang sinasabing hostage na hindi makalabas ay nasa ikalawang palapag. Nasa mahigit 30 namang kawani ng kompanya ang nagawa namang makalabas sa pamamagitan nang pagdaan sa likod na pintuan sa takot nang magwala at mamaril si Cano.
Nabatid na umaga nang magtungo sa nasabing kompanya ang mga iilang imbestigador ng MPD-Theft and Robbery Section para magsagawa ng ocular inspection at imbestigahan ang mga empleyado hinggil sa pagkawala ng milyong halaga ng cash at tseke ng kompanya.
Nang makaalis na umano ang grupo ng mga imbestigador na pinangungunahan ni SPO2 Rodel Benitez, nagsimula na umano ang pambu-bully ang mga empleyado at sinasabihan umano si Cano na “Naku makukulong ka na...” hanggang sa mag-init ang ulo ng suspek at paputukan ang mga naroon sa loob ng establisemento.
Kabilang umano ang manager na tinamaan dahil masama umano ang loob ng guwardiya sa manager na madalas umanong pagalitan ang guwardiya at bago nagwala ay nasabi pa na wala siyang kinalaman sa nakawan.
- Latest